Tue, 20 Apr 2021

Pagbabakuna kontra COVID-19 sinimulan na sa La Union

Philippine Information Agency
06 Mar 2021, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Mar. 6 (PIA) -- Opisyal nang inilunsad ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa dalawang referral hospitals sa probinsya ng La Union kaninang umaga.

Ito ay isang araw matapos matanggap ng mga nasabing pagamutan ang higit isang libong bakuna kahapon mula sa Department of Health Ilocos Center for Health Development.

Pinangunahan mismo ni Gobernador Francisco Emmanuel Ortega ang ceremonial vaccination program sa La Union Medical Center sa bayan ng Agoo kung saan si Dr. Glenn Fonbuena, chief executive officer ng ospital, ang unang nagpabakuna.

"Today, I am happy to announce that we are marking another great milestone in the history of our beloved province as we receive and administer our first batch of vaccines after almost a year when the World Health Organization declared COVID-19 a global pandemic," ani Ortega.

Samantala, si Dr. Eduardo Badua, medical center chief ng Ilocos Training and Regional Medical Center, ang unang tumanggap ng bakuna sa kanilang ospital.

Sa pamamagitan nito ay nais hikayatin ng mga hepe ng mga ospital ang mga kapwa nila medical frontliners na makiisa sa vaccination program ng pamahalaan bilang isa sa paraan para masugpo ang pandemya.

"Hinihikayat po natin ang mga health workers, ang ating mga frontliners na sana atin pong samantalahin 'yong pagkakataon na tayo po ang unang mabigyan ng bakuna. Ito po ay magbibigay sa atin ng proteksyon para madepensahan po ang ating sarili, maprotektahan ang ating pamilya at higit sa lahat po para matulungan ang ating bayan na masugpo itong pandemic at muling makabangon mula sa pandemya," saad ni Badua.

Inaasahang higit sa isandaang health care workers sa probinsya ang mababakunahan ngayon araw.

Sa kabuuan, aabot sa halos isang libong medical practitioners sa La Union na kasali sa Priority Group ang nagpahiwatig ng kanilang kagustuhan na magpakuna laban sa COVID-19 para sa kanilang proteksyon. (JCR/AMB/CGRC, PIA La Union)

More San Antonio News

Access More

Sign up for The San Antonio News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!